"malapit na aq... w8 lang"
Ano kaya ang sasabihin niya sa'kin? Ang seryoso ng mga text niya. Bakit kaya kailangan pang kausapin niya ako ng personal at hindi pwedeng sa phone nalang kami mag-usap? Di tuloy ako nakatulog pagkatapos niyang tumawag kaninang madaling araw. May sasabihin daw siya sa'kin pero di naman siya nagsasalita sa kabilang linya ng telepono. May nangyari kayang hindi maganda? Kinakabahan na tuloy ako. Sana hindi ito yung kinakakatakutan kong mangyari samen.
Mahal ko si Anna at gagawin ko ang lahat para hindi siya mawala sa akin. Maglilimang taon na din kami at marami na kaming napagdaanan. Awayan, tampuhan, hiwalayan, at sa huli nagkakabati din kami. Halos lahat na ng posibleng mangyari sa isang relasyon ay napagdaanan na namin at yung mga pangyayaring iyon ang mas lalong nagpatatag sa pundasyon ng samahan namin.
"asan kna?"
"d2 na aq sa labas ng mall"
"cge.. hintayn lang kta dto sa 4th floor dun sa tagpuan naten "
Habang papasok ako sa mall ay mas lalo akong kinakabahan. Bumibilis ang kabog ng aking dibdib. 'Di ko maipaliwanag.
Tanaw ko na si Anna sa malayo. Medyo matamlay at kung titingnan mabuti ay halata sa kanyang mga mata na hindi pa siya nakakatulog. Ang dami na tuloy tumatakbo sa isipan ko kung ano ba talaga ang nangyari at kung ano ang problema niya. Namin. At sa pagkakataong ito ay doble na ang kaba na nararamdaman ko.
Pagkakita niya saken ay agad niya akong nilapitan at niyakap niya ako ng mahigpit. Hanggang ngayon ay natutunaw parin ako sa mga yakap niya at pinapawi nito ang pangamba ko. Ilang minuto din siyang tahimik at hindi narin ako nagsalita. Niyakap ko narin siya pabalik.
"Babe?" bulong ni Anna na medyo may kalamigan ang boses.
"Bakit?" tanong ko na may halong kaba.
"Babe, buntis ako..."
Parang biglang huminto ang paligid. Di ako makapagsalita. Huminto din ang pagtibok ng puso ko na kanina pa kumakabog sa kaba.
"Babe, ano gagawin ko? Naten?" tanong ni Anna na nag-uumpisa ng umiyak.
"Pano ko 'to sasabihin kay Nanay at Tatay? Pano na ang pag-aaral ko?"
"Babe, magsalita ka naman"
"Babe?" at tuluyan ng humagulhol sa pag-iyak si Anna.
Imbes na magsalita ay niyakap ko nalang siya ng mahigpit at pinapakalma. Pinaparamdam ko sa kanya na di siya mag-iisa at kasama niya akong haharapin ang responsibilidad sa nagawa namin. Hinawakan ko siya sa kanyang mga pisngi at pinunasan ang mga luha na patuloy na pumapatak sa kanyang mga mata.
"Tahan na..."
Tinitigan ko siya at binigyan ng isang matamis na ngiti.
Imbes na magsalita ay niyakap ko nalang siya ng mahigpit at pinapakalma. Pinaparamdam ko sa kanya na di siya mag-iisa at kasama niya akong haharapin ang responsibilidad sa nagawa namin. Hinawakan ko siya sa kanyang mga pisngi at pinunasan ang mga luha na patuloy na pumapatak sa kanyang mga mata.
"Tahan na..."
Tinitigan ko siya at binigyan ng isang matamis na ngiti.